Isang tricycle driver ang inaresto matapos umanong magpakita ng maselang bahagi ng katawan at magbitaw ng malalaswang salita laban sa isang pasahero sa Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ret. Col. Pilarito Mallillin, Chief ng Public Order and Safety Division ng Cauayan City, nangyari ang insidente noong Setyembre 10, 2025, bandang alas-6 ng gabi. May dalawang pasahero ang nasabing driver: isa mula Tagaran at isa mula Reina Mercedes.
Habang inihahatid ang pasaherong si Miko H. Flores na taga-Tagaran, nagbitaw umano ng hindi kaaya-ayang salita ang driver at ipinakita ang maselang bahagi ng katawan.
Sa isinagawang imbestigasyon, malinaw na pumapasok ito sa kasong sexual harassment kaya’t agad siyang inaresto at in-turn over sa Cauayan City Police para sa pormal na pagsasampa ng reklamo.
Ayon pa sa suspek, dati umano siyang nagkaroon ng karelasyong lalaki, ngunit iginiit ni Mallillin na hindi ito dahilan para magsalita ng malaswa at bastusin ang kapwa.
Binigyang-diin ni Mallillin na hindi kinukunsinti ng kanilang opisina ang ganitong asal. Aniya, matagal nang nakapaskil sa mga tricycle ang paalala ukol sa Bastos Law at Anti-Bullying Act upang magabayan ang mga driver sa tamang asal sa pasahero.
Sa kabila nito, nananatili ang ilang reklamo laban sa mga tricycle driver, kabilang na ang mga kaso ng rape at iba pang kabastusan.
Dagdag pa ni Mallillin, ang mga sangkot sa ganitong insidente ay kalimitang hindi taga-Cauayan at kadalasang walang kaukulang papeles, gaya ng driver’s license at rehistro. Ang mga matitinong tricycle driver aniya ay nakasuot ng uniporme, may ID na inisyu ng lokal na pamahalaan, at sumusunod sa panuntunan.
Kasabay nito, patuloy siyang nagsasagawa ng mga lecture at pulong sa mga terminal upang ipaalala sa mga driver ang tamang disiplina, kabilang ang pagbawal sa sobrang paniningil ng pamasahe, pagsusuot ng maayos na damit, at ang pagrespeto sa pasahero.
Paalala naman ng opisyal sa publiko, suriin muna ang body number ng tricycle, mayor’s permit, at ID ng driver bago sumakay. Kapag napatunayang guilty, maaaring matanggalan ng karapatang magmaneho ang sinumang driver na masasangkot sa ganitong kaso.











