--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy na pinaghahanap ng mga pulis ang isang tsuper ng tricycle na bumaril patay sa kapwa tsuper sa Bangag, City of lagan.

Ang biktima ay si Manny Ancheta, 32 anyos, may asawa habang ang suspek ay Edward Baldoz, 58 anyos, may asawa, parehong tricycle driver at kapwa residente ng barangay Bangag.

Sa imbestigasyon ng City of Ilagan Police Station, bago umano naganap ang pamamaril ay nakatayo si Ancheta kasama si Doroteo Magday sa harapan ng multi-purpose hall ng barangay.

--Ads--

Nagtungo rin sa nasabing lugar ang suspek at nagkaroon sila ng komprontasyon ni Ancheta.

Bumunot ng baril si Baldoz at pinaputukan ang biktima.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMSg Bobby Taccad, imbestigador ng City of Ilagan Police Station, sinabi niya na posibleng dahilan ng pamamaril patay ay ang matagal nang alitan ng dalawa sa kanilang pamamasada.

Ilang beses na umanong pinagtangkaan ni Baldoz ang buhay ng biktima.

Nagtamo si Ancheta ng isang tama ng bala ng Caliber 45 sa kanyang dibdib na dinala sa ospital subalit binawian din ng buhay.

Agad na tumakas si Baldoz matapos ang pamamaril at patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad.