Arestado ang isang tricycle driver matapos itong magbenta ng iligal na droga sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Barangay San Fermin Cauayan City.
Ang pinaghihinalaan ay si alyas “Bugoy”, 41-anyos, tricycle driver, na residente ng Del Pilar, Alicia, Isabela.
Batay sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa pulisya, ang suspek ay naitala bilang High Value Individual (HVI) na matagal nang minamanmanan ng awtoridad.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa suspek, aminado ito na siya ay drug surenderee noong 2016 at hindi na niya inulit pa ang paggamit ng iligal na droga hanggang noong 2023.
Noong December 2024 na lamang ulit siyang gumamit ng iligal na droga dahil sa impluwensya ng kaibigan.
Giit nito, bagaman gumagamit siya ay hindi naman siya nagtutulak ng iligal na droga, taliwas sa akusasyon ng awtoridad na siya ay nagbenta sa PDEA Agent na nagpanggap na buyer.
Dagdag nito, siya ay namamasada lamang sa Cauayan at hindi niya akalain na ang naisakay niyang pasahero ay Agent pala ng PDEA.
Nang magbabayad na aniya ang kanyang pasahero, akma naman umano siyang kukuha ng kanyang panukli subalit agad nalang siyang nilapitan ng mga kapulisan at iba pang agent ng PDEA.
Nakumpiska naman mula sa suspek ang isang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, na may timbang na 0.2 grams na nagkakahalaga ng Php1,000; nakumpiska pa ang Php1,000, (4) na piraso ng 50 peso bills, identification card at ang motorsiklo ng biktima.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang suspek at siya ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.