CAUAYAN CITY – Sinampahan na ng kasong murder ang tsuper ng tricycle na suspek sa pagpatay sa isang Ginang na natagpuan ang bangkay sa maisan sa barangay Quinalabasa, Naguilian Isabela.
Sa imbestigasyon ng Naguilian Police Station, nag-ugat ang pagpatay sa biktima sa umanoy mahigit 4,000 pesos na utang ng suspek.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay PMaj. Junnel Perez, hepe ng Naguillian Police Station, sinabi niya na kinasuhan na ang suspek na si Arnel Gumpad Quicho, 44 anyos at residente ng Magsaysay, Naguilian, Isabela kaugnay ng pagpatay sa biktimang si Josie Bonifacio, 40 anyos, may-asawa at residente ng barangay Quirino, Naguilian, Isabela.
Ayon kay PMaj Perez, nakatulong sa imbestigasyon ang kuha ng CCTV Camera na isinakay ni Quicho ang ginang biktima, isang araw bago natagpuan ang kanyang bangkay sa maisan sa barangay Quinalabasa.
Nagpapautang ang ginang sa mga benepisaryo ng 4P’s sa kanilang lugar at naniningil siya bawat payout.
Kabilang sa mga napautangan ang kumpare na itinuturong suspek sa krimen.
Batay sa palitan ng mensahe nina Bonifacio at Quicho, tila nainis ang tsuper sa paniningil sa kanyang utang.
Nangako naman siyang magbabayad at bilang patunay ay dinala niya ang ginang sa maisan ngunit sa halip na magbayad ng 4,800 pesos ay tinakpan ng pinaghihinalaan ang bibig ng biktima at sinaksak sa leeg.
Nakapanlaban si Bonifacio at nasaksak ang suspek sa kanyang kanang binti.
Umabot sa halos10 saksak sa katawan ang natamo ng ginang batay sa post mortem examination sa kanyang bangkay.
Nang imbestigahan ang suspek ay nakita ang sugat sa kaniyang binti at mga kalmot sa katawan.
Sa patuloy na pagtatanong ay umamin si Quicho at nagbigay ng extra-judicial confession sa harap ng abogado.
Lumalabas na pinagplanuhan ni Quicho ang krimen dahil nagdala siya ng malinis na damit na kanyang isinuot matapos maligo sa ilog at nagpasada pa makaraang paslangin ang biktima.
Sinampahan si Quicho ng kasong murder sa pamamagitan inquest proceedings at kasalukuyang nakakulong sa detention cell ng Naguilian Police Station.