--Ads--

CAUAYAN CITY– Dating kinasuhan ng adultery ang suspek na bumaril sa isang tricycle driver sa Zipagan St., GSIS Village, District 1, Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa biktimang si Freddie Sanchez, sinabi niya na nagkaroon umano noon ng relasyon ang asawa niya at ng suspek na si Raymund Tuppil, residente ng Minante II, Cauayan City kayat kinasuhan niya ng adultery pero nagkaroon ng pag-aayos.

Sinabi ni Sanchez na ipina-blotter niya sa himpilan ng pulisya si Tuppil dahil sa kasong trespassing dahil sa pagpasok sa kanilang bahay.

Dahil dito ipinatawag ang suspek sa himpilan ng pulisya at ikinatuwiran naman ni Tuppil na naniningil ng utang kaya nagtungo sa bahay ni Sanchez.

--Ads--

Sinabi ni Sanchez na matapos nilang mag-usap sa himpilan ng pulisya at kagagaling niya sa pamamasada kahapon ng gabi at pauwi na siya sa kanilang bahay nang makarinig siya ng mga putok ng baril.

Sa kanyang paglingon ay namukhaan niya ang patakas na si Tuppil at pagkatapos ay naramdaman niya ang kirot na dulot ng pagkabaril ng kanyang balikat at paa.

Desidido ang biktima na sampahan na ng kaso ang suspek.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Cpt Esem Galiza, Police Community Relations Officer at pinuno ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Cauayan City Police Station na sinabi ni Tuppil na nagawa niya ang pamamaril kay Sanchez dahil sa kanyang sama ang loob sa paratang sa kanya tungkol sa pagpasok niya sa kanilang bahay dahil pumunta lang siya roon para maningil ng utang.

Dagdag pa ni P/Cpt Galiza na sasampahan nila si Tuppil ng kasong frustrated murder, paglabag sa Omnibus Election Code at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek makaraang masamsaman ng baril na may magazine at 4 bala na walang lisensya.

Matapos na matanggap ang tawag sa pamamaril sa District I, Cauayan City ay agad tumugon ang Cauayan City Police Station sa pangunguna ni PCpt Galiza.

Kasama ang mga miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ay naaresto si Tuppil sa bahay ng kanyang kamag-anak sa Luna, Isabela.