--Ads--

Sugatan ang isang tricycle driver matapos mabangga ng kotse ang minamaneho nitong tricycle sa bahagi ng District 1, Cauayan City, Isabela, dakong alas-4:30 ng madaling araw ngayong Sabado, ika-27 ng Setyembre.

Kinilala ang biktima na si “Laurence,” na nagtamo ng mga galos sa iba’t ibang parte ng katawan matapos ang insidente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay “Rolly”, nakasaksi sa pangyayari, sinabi niya na parehong tinatahak ng tricycle at kotse ang daan patungong poblacion. Galing pansitan ang tricycle driver at pauwi na sa kanilang toda upang magparada, habang naghatid naman ng kaibigan at pabalik ng Ilagan City ang driver ng kotse.

Ayon sa saksi, maayos na nakapasok sa linya at normal ang pagpapatakbo ng tricycle ni Laurence, subalit mabilis umano ang takbo ng kotse at tinumbok nito ang likurang bahagi ng tricycle. Dahil sa lakas ng impact, bumaliktad ang tricycle, at tumilapon ng halos 10 metro ang driver.

--Ads--

Dahil sa insidente ay halos maihiwalay ang motorsiklo sa sidecar nito habang nasira  rin ang unahang bahagi ng nakabanggang kotse.

Agad namang rumesponde ang Rescue 922 upang magbigay ng paunang lunas, tsaka dinala ang biktima sa isang pribadong pagamutan.

Dinala naman sa Cauayan Police Station ang driver ng kotse para sa imbestigasyon at kaukulang disposisyon.