
CAUAYAN CITY – Handang sumunod ang mga tricycle driver sa lunsod ng Cauayan sa kung ano ang ipapatupad na panuntunan sa paggamit ng face shield.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FESADECO Vice President Roland Lanuza, sinabi niya na nakadepende lamang sila sa ipapatupad ng lokal na pamahalaan.
Sakali man na ipairal pa rin ang pagsusuot ng face shield sa mga tricycle ay nais niyang irequire sa mga kapwa nito tricycle driver ang mas matibay na klase ng face shield upang maiwasang mailipad.
Aminado siya na marami sa kanyang mga kapwa tricycle driver ang nais nang matanggal ang paggamit ng face shield sa mga pampasaherong tricycle.
Habang wala pang pinal na kapasyaan ang Inter Agency Task Force at Pamahalaang Lunsod ng Cauayan ay tiniyak naman niya ang patuloy pa ring pagsusuot ng face shield ng mga tricycle driver at pasahero.
Maliban sa pagsusuot ng face mask at face shield ay patuloy ding ipinapatupad sa mga tricycle driver ang paglalagay ng plastic cover bilang barrier sa pagitan ng mga driver at pasahero.










