--Ads--

Nananawagan na ang hanay ng mga tricycle driver sa Lungsod ng Cauayan na agad nang ipatupad ang P20 minimum fare kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na lalo umanong nagpapabigat sa kanilang pamamasada.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rolando Lanuza, Vice President ng UTODACC, sinabi nito na ramdam na ramdam ng mga tricycle driver ang epekto ng panibagong oil price adjustment dahil gasolina ang pangunahing ikinukarga ng kanilang mga sasakyan.

Ayon kay Lanuza, kung dati ay sapat na ang P300 na pang-full tank ng ilang tricycle, sa ngayon ay hindi na umano ito kasya dahil sa taas ng presyo ng gasolina.

Dahil dito, sinabi niya na napipilitan na ang maraming tsuper na baguhin ang paraan ng kanilang pamamasada upang makatipid sa krudo.

--Ads--

Aniya, imbes na mag-ikot nang mag-ikot ay point-to-point na lamang ang karamihan sa mga driver, kung saan matapos maihatid ang pasahero ay bumabalik na lamang sila sa kanilang terminal o destinasyon upang hindi agad maubos ang kanilang gasolina.

Dagdag pa niya, kung may mga pasaherong magpapara sa kanila ay ipinaliliwanag na lamang nila ang kanilang sitwasyon, at sa ngayon ay nakikita naman umano nilang nakauunawa ang maraming commuter sa kanilang kalagayan.

Kaugnay nito, sinabi ni Lanuza na matagal na nilang inihain sa city government ang kanilang panukalang fare increase, at hinihintay na lamang nila ang pinal na tugon kaugnay sa hiling na gawing legal ang P20 na minimum na pamasahe sa lungsod.

Ayon sa opisyal ng UTODACC, may impormasyon na rin silang inaayos na umano ng komite sa sangguniang panlungsod ang usapin hinggil sa fare hike, at posibleng magkaroon ng development sa mga susunod na araw.

Binigyang-diin naman niya na patuloy nilang pinapayuhan ang kanilang mga miyembro na maayos na kausapin ang mga pasahero at huwag maging arogante sa paniningil, dahil nauunawaan din nila ang kalagayan ng publiko.

Samantala, sinabi rin ni Lanuza na may mga impormasyon silang posibleng may ayuda ring inilalatag para sa hanay ng mga tricycle driver, bagamat hinihintay pa nila ang pormal na abiso mula sa kanilang pederasyon at sa pamahalaang lungsod.