--Ads--

CAUAYAN CITY – Sugatan ang isang Security Guard matapos madaganan ng natumbang Puno ang minamaneho nitong Tricycle sa gilid ng National Highway sa Barangay Diego Silang, Diffun, Quirino dahil sa malakas na buhos ng ulan at malakas na hangin na naranasan sa lugar.

Ang biktima ay mula sa  Brgy. Gayong, Cordon, Isabela at nagtatrabaho bilang security guard sa Lungsod ng Santiago.  

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Hensel Guillermo ng Diffun, Quirino, sinabi niya na nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen upang iulat ang insidente.

Agad namang sumaklolo  ang Rescue 702 kung saan dinala nila sa pagamutan ang biktima na nagtamo ng malalang sugat sa ulo.

--Ads--

Napag-alaman na patungo na sana sa trabaho ang biktima nang maganap ang insidente at dumaan umano ito sa short cut na daan sa bayan ng Diffun.

Aniya, hindi landslide prone area ang lugar ngunit maaaring hindi nakayanan ng puno ang malakas na hangin at matinding buhos ng ulan dahilan kaya’t ito ay bumagsak at madaganan ang tricycle na bumabaybay sa daan.

Agaran naman ang ginawang clearing operation ng Barangay Emergency Response Team ng Brgy. Diego Silang sa natumbang puno upang hindi magdulot ng mabigat ng daloy ng trapiko.