--Ads--

Iniulat ng Philippine National Police (PNP) ang mapayapang pagsasagawa ng tinaguriang “Trillion Peso March 2.0” na idinaos sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila at sa ilang panig ng bansa ngayong araw.

Ayon sa PNP, umabot sa 87 aktibidad na may kabuuang 55,975 na kalahok ang kanilang namonitor. Lahat ng pagtitipon ay nagtapos nang walang naitalang seryosong insidente at opisyal na natapos pagsapit ng alas-siyete ng gabi.

Nagpahayag ng pasasalamat si Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez, Jr., sa publiko dahil sa disiplinado at responsableng pakikilahok. Pinuri rin niya ang mga ground commander, civil disturbance management teams, traffic units, at lahat ng police personnel na nagserbisyo mula preparasyon hanggang clearing operations.

Samantala, tiniyak ng PNP na patuloy ang pagbabantay sa mga pangunahing kalsada upang masiguro ang ligtas na pag-uwi ng mga lumahok at ang maayos na daloy ng trapiko.

--Ads--

Nagbigay din ng pahayag si PNP Spokesperson PBGEN Randulf T. Tuaño, na nagpuri sa kooperasyon ng publiko at sa mahinahong pagganap ng mga pulis sa kanilang tungkulin.

Muli namang pinagtibay ng PNP ang kanilang pangako na protektahan ang karapatan ng bawat Pilipino at panatilihin ang kaligtasan ng publiko.