Sa kasalukuyan isang bagyo at low pressure area na ang minomonitor ng weather bureau sa loob at labas ng Philippine Area of responsibility.
Ang Tropical depression ay nasa layong 1,430 km East of Northeastern Mindanao o nasa labas pa ng PAR.
Tgalay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55km/h. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 15km/h.
Batay sa forecast ng PAGASA, ang tropical depression (TD) ay patuloy na kikilos pa-kanluran hilagang-kanluran at inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas, Nobyembre 2, sa umaga o hapon. Pagpasok nito sa PAR, ito ay papangalanang “TINO.”
Pagkapasok sa PAR, si TINO ay tatalikod pa-kanluran habang nasa Philippine Sea. Batay sa forecast track, posibleng mag-landfall ang sentro ng bagyo sa Caraga o Eastern Visayas sa Martes, Nobyembre 4 ng umaga. Tatawid ito sa Visayas at Palawan sa pagitan ng Martes at Miyerkules (Nobyembre 5) bago lumabas sa West Philippine Sea pagsapit ng Miyerkules ng umaga o hapon.
Habang nasa karagatan, lalakas pa si TINO at maaaring umabot sa typhoon category pagsapit ng Martes (Nobyembre 4). Posible rin ang karagdagang pag-intensify bago ito tuluyang mag-landfall. Ayon sa forecast, ang pinakamataas na Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) na maaaring itaas ay Signal No. 4.
Sa ngayon, ang tropical depression sa labas ng PAR ay hindi pa direktang makaaapekto sa panahon at kondisyon ng dagat sa loob ng susunod na 24 oras.
Ang Signal No. 1 ay inaasahang itataas sa Eastern Visayas at Caraga pagsapit ng bukas ng umaga o hapon.
Ang isa pang LPA na nasa kanluran ng Coron Palawan ay mababa o walang tiyansa na maging bagyo sa mga susunod na oras.
Patuloy naman itong imomonitor ng weather bureau sa mga pagbabago sa kanilang galaw o posibleng paglakas.
Sa kasalukuyan, Intertropical Convergence Zone (ITCZ) pa rin ang patuloy na nakakaapekto sa Visayas, Mindanao, Bicol Region, at natitirang bahagi ng MIMAROPA, habang ang Northeast Monsoon (Amihan) ay umiiral sa Batanes.
Apektado naman ng Shearline ang bahagi ng Cagayan kaya asahan din ang maulap na papawirin at isolated thunderstorms.
Ang Palawan ay magiging bahagyang maulap hanggang maulap ang kalangitan na may mga panaka-nakang ulan dahil sa LPA, kung saan posible ang flash floods o landslide sa mga tuluy-tuloy na pag-ulan.











