--Ads--

Patuloy na kumikilos pa-kanlurang hilagang-kanluran ang Tropical Depression Mirasol sa kanlurang dagat ng dulong Hilagang Luzon.

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 165 kilometro kanluran ng Calayan, Cagayan. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-kanlurang hilagang-kanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras.

Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa mga sumusunod na lugar:

Batanes at Babuyan Islands, Kanlurang bahagi ng Cagayan (Santo Niño, Camalaniugan, Pamplona, Rizal, Claveria, Lasam, Aparri, Ballesteros, Abulug, Allacapan, Sanchez-Mira, Santa Praxedes)

--Ads--

Apayao, Hilagang bahagi ng Abra (Pidigan, San Juan, Tayum, Langiden, Lagangilang, Danglas, La Paz, Licuan-Baay, Tineg, Malibcong, Peñarrubia, San Isidro, San Quintin, Dolores, Lagayan, Bangued, Bucay, Lacub, Sallapadan)

Ilocos Norte, Hilagang bahagi ng Ilocos Sur (Sinait, Cabugao, San Juan, Magsingal, Santo Domingo, Bantay, San Vicente, San Ildefonso, Santa Catalina, Lungsod ng Vigan, Caoayan, Santa, Nagbukel, Narvacan)

Inaasahang magpapatuloy ang paggalaw ng bagyo pa-kanlurang hilagang-kanluran sa loob ng susunod na 24 oras. Posibleng lumabas ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong umaga o hapon at tutungo patungong Southern China.

Inaasahang lalakas pa ito at magiging tropical storm ngayong araw, at mananatili sa kategoryang ito bago humina paglapag sa kalupaan ng Southern China sa Sabado, Setyembre 20.

SAMANTALA, nananatiling malakas ang Tropical Depression Nando habang patuloy itong kumikilos pa-hilagang hilagang-kanluran sa bahagi ng Philippine Sea.

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo kaninang 4:00 AM sa layong 1,225 kilometro silangan ng Southeastern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-hilagang hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Inaasahang dahan-dahang kikilos ang bagyo pa-hilagang kanluran sa loob ng susunod na 48 oras.

Sa Sabado, Setyembre 20, posibleng lumihis ito pa-kanlurang hilagang-kanluran patungong dulong Hilagang Luzon.

Patuloy na lalakas ang Nando habang nasa Philippine Sea at maaaring umabot sa kategoryang typhoon pagsapit ng Sabado.

Hindi rin isinasantabi ang posibilidad na ito ay maging super typhoon.