--Ads--

Isang truck ang bumulusok sa bangin matapos umanong sumabog ang likurang kaliwang gulong nito habang bumabaybay sa Maharlika Highway sa Barangay Poblacion, Santa Fe, Nueva Vizcaya ngayong hapon, Oktubre 10.

Ayon sa paunang imbestigasyon, binabaybay ng truck ang hilagang direksyon ng national highway bandang alas-1:00 ng hapon nang biglang sumabog ang gulong, dahilan upang mawalan ng kontrol ang driver. Unang bumangga ang truck sa isang nakaparadang motorsiklo sa gilid ng daan bago nahulog sa bangin.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng 2nd Maneuver Platoon, 205th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2 (RMFB2) kasama ang mga tauhan mula sa Santa Fe Municipal Police Station, Bureau of Fire Protection (BFP), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Sa ngayon ay tinutukoy na ng mga awtoridad ang kondisyon ng driver at kung may iba pang nasugatan sa insidente. Isinasagawa na rin ang pormal na imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong dahilan ng aksidente.

--Ads--

Nanawagan naman ang mga awtoridad sa lahat ng motorista na tiyakin ang maayos na kondisyon ng kanilang mga sasakyan bago bumiyahe, para maiwasan ang kahalintulad na aksidente.

Source: RMFB 2