--Ads--

Ipinahiwatig ni U.S. President Donald Trump na malapit nang makamit ng Amerika ang kanilang mga layunin laban sa rehimeng Iran, kaya’t pinag-iisipan na ang pagtatapos ng malawakang operasyong militar sa Middle East.

Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Trump na matagumpay ang kanilang mga hakbang laban sa itinuturing niyang “terrorist regime” at panahon na upang pag-aralan ang unti-unting pag-atras ng puwersang Amerikano sa rehiyon.

Nagdulot ng kalituhan ang magkasalungat na hakbang ng White House at Pentagon matapos mag-post si Trump sa Truth Social noong Marso 20 na “panalo na” ang Amerika at pinag-iisipan na ang “gradual de-escalation” ng operasyong militar sa Middle East.

Gayunpaman, sa kabila ng pahayag ng pag-atras, kinumpirma ng mga ulat na nagpadala ang Pentagon ng karagdagang 2,500 Marines at mga amphibious assault ship sa rehiyon.

--Ads--

Ayon sa mga pagsusuri, ang pagpapadala ng mga amphibious assault ship ay indikasyon ng paghahanda para sa ground assault o island-landing operations, partikular sa Kharg Island, na mahalaga sa export ng langis ng Iran.

Sa halip na humupa, lalo pang tumindi ang tensyon nang hindi kinilala ng Iran ang deklarasyon ng tagumpay ni Trump at naglunsad pa ng mga missile strike sa Diego Garcia at ilang lungsod sa Israel bilang ganti.

Bagaman iginiit ni Trump na “completely destroyed” na ang mga pasilidad sa Kharg Island matapos ang tatlong linggong pambobomba, nananatiling aktibo ang missile capabilities ng Iran.

Dahil dito, napilitan ang Pentagon na magdagdag ng puwersa—isang hakbang na nakikita ng marami bilang pagpapalakas ng tensyon sa halip na pagpapatigil sa giyera.