Naisampa na ng Aurora Police Station ang mga kaso laban sa tsuper ng 6-wheeler truck na sangkot sa salpukan ng tatlong sasakyan sa kahabaan ng national highway sa Aurora, Isabela noong Sabado ng umaga, Hulyo 19.
Matatandaang walo ang nasawi at ilan pa ang nasugatan sa insidente kung saan sangkot ang dalawang van na patungong Tabuk City, Kalinga, at isang 6-wheeler truck.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Terrence Tomas, Public Information Officer ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), sinabi niyang isinampa na sa Roxas Municipal Circuit Trial Court ang mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, serious physical injuries, and damage to property laban sa tsuper ng truck.
Aniya, nagkaroon na ng pag-uusap ang mga kaanak ng mga nasawing biktima at desidido silang magsampa ng kaso. Matapos namang maisampa ang kaso ay inilipat na sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang tsuper ng truck.
Batay sa imbestigasyon, umagaw ng linya ang truck na naging sanhi ng banggaan.
Ayon sa tsuper, siya ay nagulat at nasilaw sa ilaw ng kasalubong na mga sasakyan kaya nakabig pakaliwa ang manibela, dahilan ng pag-agaw ng linya at pagbangga.
Dahil sa insidente, mas pinaigting ng IPPO ang pagsasagawa ng mga checkpoints at pakikipag-ugnayan sa mga local government unit at sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang maglagay ng karagdagang signages at streetlights sa mga lansangan.
Pinalakas dinnila ang Road Safety Information Drives sa pamamagitan ng social media, lalo na ang may kaugnayan sa mga vehicular accident.











