--Ads--

CAUAYAN CITY – Maaring huliin o sitahin ang  driver ng mga nakaparadang sasakyan ng mga kasapi ng Land Transportation Office o LTO o Deputized agents para manghuli.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, nilinaw ni Assistant Regional Director Manny Baricaua ng LTO Region 2 na may tinatawag na non-moving traffic offenses, nangangahulugang kapag nasa lansangan ang sasakyan at nakatigil, maaring puntahan ng mga deputized agents tulad ng mga kasapi ng PNP-HPG at iba pa at hahanapan ng mga kaukulang dokumento ng mga sasakyan at driver’s license.

Kahit ang mga nakaparadang sasakyan sa mga gilid ng lansangan ay maaaring sitahin at hanapan ng mga kaukulang dokumento ng mga law enforcement officers ang nagmamaneho ng sasakyan.

Kapag walang maipakitang dokumento o Driver’s License ay maaring bigyan ng ticket.

--Ads--

Kapansin-pansin din anya ang mga may paglabag na motorista na kapag nakakakita ng mga Checkpoints ng LTO Members at Deputized Agents ay titigil sa mga gilid ng lansangan.

Kapag nakaparada sa loob ng compound o garahe ng bahay ang mga sasakyan ay hindi maaaring mabigyan ng ticket.

Ipinayo naman ni Assistant Regional Director Baricaua sa mga motorista na bago gamitin ang kanilang sasakyan ay tiyaking kumpleto ang mga kaukulang dokumento at may Driver’s License para hindi maabala sa mga checkpoints.