CAUAYAN CITY – Naglabas ng paglilinaw ang tsuper ng SUV na nakabangga-patay sa isang pulis na limang buwang buntis sa barangay Ipil, Tabuk City, Kalinga.
Matatandaang nasawi ang biktimang si Police Staff Sgt. Revelyn Dumaguing, tatlumpu’t apat na taong gulang, may-asawa, at residente ng Dagupan Centro, Tabuk City matapos mabangga at takbuhan ng nakabangga sa kanya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Master Sergeant Prodencio Atas, Assistant Public Information Officer ng Tabuk City Police Station sinabi niya na iniwan umano ng tsuper ng SUV ang biktima dahil sa takot.
Batay aniya sa salaysay ng suspek na si Carlito Balutoc, animnapu’t tatlong taong gulang, may asawa, at residente ng Lucog – Pinagan, Tabuk City, nakita niya ang duguang biktima kaya sinubukan niyang bumaba sa kanyang sasakyan subalit biglang nagsilabasan ang mga tao sa lugar kaya natakot siya.
Sa ngayon ay hindi pa nakakapag-usap ang magkabilang panig dahil abala pa ang pamilya ng biktima sa pag-aasikaso sa burol nito.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Tabuk City Municipal Police station ang suspek at mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide.











