--Ads--

Malaki umano ang posibilidad na nakaidlip ang tsuper ng SUV na umararo sa dalawang motorsiklo at isang kotse sa Diamantina, Cabatuan, Isabela nitong Linggo, Pebrero 1, 2026 na ikinasugat ng tatlong indibidwal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Romeo Mabea, Hepe ng Cabatuan Police Station, sinabi nito na galing umano ang SUV sa Maynila at batay sa pahayag ng tsuper, nabigla na lamang umano ito nang nasa harap na niya ang mga sangkot na behikulo dahilan upang mabangga niya ang mga ito.

Aniya, nagkaroon na ng pag-uusap ang magkabilang panig at nagkasundong magkaayos na lamang.

Sa ngayon ay hindi pa nakakalabas ng pagamutan ang mga biktima subalit nasa stable nang kalagayan ang mga ito.

--Ads--

Sinagot na rin ng tsuper at may-ari ng nakabanggang SUV ang lahat ng gastusin ng mga biktima sa pagamutan, maging ang pagpapaayos sa mga napinsalang behikulo.

Samantala, aminado si PMaj. Mabea na tumaas ang bilang ng road crash incident sa bayan ng Cabatuan sa nakalipas na pagkakataon kaya naman patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanilang himpilan sa Lokal na Pamahalaan ng Cabatuan para sa mga preventive measures.

Pinaigting din ng kanilang hanay ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa mga motorista, at mas pinalawig ang kanilang checkpoint upang mabantayan ang mga pangunahing lansangan sa bayan ng Cabatuan.