--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy na sinisiyasat ng pulisya ang naganap na pamamaril-patay kaninang umaga sa isang tsuper ng tricycle sa Brgy. Buena Suerte, Cauayan City.

Ang biktima ay si Jan Kristian Matias,29 anyos, may asawa at residente ng lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Sr. Insp. Ferdinand Datul, chief investigator ng Cauayan City Police Station, ang biktima ay bumabagtas sa barangay road sakay ng kanyang TMX tricycle nang biglang dumating ang dalawang suspek na sakay naman ng motorsiklo.

Batay sa nakasaksi, patungo sa kanlurang direksyon ang biktima ng sinundan siya ng mga suspek at dito pinagbabaril ng maraming beses ang biktima gamit ang hindi pa mabatid na uri ng baril.

--Ads--

Nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril ang tricycle driver na nagresulta ng kanyang kamatayan.

Nabawi sa pinangyarihan ng krimen ang 7 empty shells at isang slug na pinaniniwalang 9mm na baril.

Mabilis na tumakas sa hindi pa mabatid na direksyon ang mga suspek na nakasuot ng helmet at jacket.

Ayon pa kay Sr. Insp. Datul, sinisiyasat na rin nila ang kuha ng CCTV Camera malapit sa crime scene para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga pinaghihinalaan.