--Ads--

CAUAYAN CITY – Tuluyan nang nasawi ang tsuper ng traysikel na nabangga ng isang kotse sa bahagi ng Diversion Road sa Brgy. San Nicholas, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Patuloy namang nasa Intensive Care Unit o ICU ang dalawa pa nitong pasahero na kasamang nasugatan sa aksidente.

Matatandaang nabangga ng isang toyota corolla ang tricycle na may apat na sakay kasama na ang tsuper nito habang maswerte namang walang tinamong galos sa katawan ang tsuper ng kotse.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Arjay Nabban, Deputy Chief of Police ng Bayombong Police Station, sinabi niya na binawian na ng buhay ang tsuper ng tricycle kahapon habang ang dalawang pasahero nito ay nasa ICU pa rin at ang isa naman ay nasa mabuti nang kalagayan.

--Ads--

Batay sa pagsisiyasat ng Bayombong Police Station, binabaybay ng tricycle ang lansangan pangunahin sa outer lane at kasalubong naman ang kotse sa kabilang lane subalit umagaw ito ng linya at natumbok ang kasalubong na tricycle na naging dahilan ng banggaan.

Sa lakas ng banggaan ay tumilapon ang  tricycle at nahulog sa bukirin sa gilid ng kalsada na naging dahilan ng pagkasugat ng mga sakay nito.

Ayon sa suspek nawalan siya ng kontrol sa manibela na maaring epekto ng kalasingan dahil nakainom ito nang alak nang mangyari ang aksidente.

Sa ngayon ay inihahanda na ng pulisya ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek at nakatakda nang dalhin sa Prosecutors Office ngayong araw.