--Ads--

CAUAYAN CITY – Sumuko na ang tsuper ng Victory Liner bus na nahulog sa bangin sa barangay San Juan, City of Ilagan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo radyo Cauayan, ilang oras matapos ang insidente ay sumuko ang tsuper ng pampasaherong bus na si Looney Andoy, tubong Tuguegarao City, Cagayan sa City of Ilagan Police Station.

Ayon umano sa tsuper, natakot siya dahil hindi siya taga-lungsod ng Ilagan kaya mas pinili niyang tumakas.

Magugunitang nasawi ang tsuper ng motorsiklo na nakabanggaan ng bus bago mahulog sa bangin habang nasugatan naman ang labingwalong pasahero ng bus.

--Ads--

Kinilala ang tsuper ng motorsiklo na si Roland Basug, empleyado ng pamahalaang lungsod ng Ilagan at residente ng Santa Catalina, City of Ilagan.

Sa isinagawang imbestigasyon ng mga pulis ay binabagtas ng pampasaherong bus ang National Highway patungong Maynila habang nasa kasalungat na direksyon ang motorsiklo.

Samantala, ibinahagi ng City of Ilagan Fire Station ang kanilang karanasan kaugnay sa pagrescue sa mga pasahero ng nasabing nahulog na bus.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Fire Chief Inspector Franklin Tabingo (TABINGGO), fire marshall ng City of Ilagan Fire Station na nangyari ang insidente bago ang approach ng Curilao Bridge.

Aniya, sinubukan ng tsuper ng bus na iwasan ang kasalubong na motorsiklo matapos siyang mag-overtake subalit nahagip pa rin niya ito.

Kinabig niya pakaliwa ang bus subalit nahulog naman ito sa bangin na may lalim na halos dalawampong metro.

Ayon kay Fire Chief Inspector Tabingo (TABINGGO), tinulungan nilang makalabas sa loob ng bus ang mga pasahero at dinala naman sila sa pagamutan ng ambulansya na nakaantabay sa lugar.

Aniya, minor injuries lang ang tinamo ng mga pasahero ng bus gayunman posible aniyang nagdulot ang insidente ng pagkatrauma sa kanila dahil medyo malalim ang kinahulugan ng bus.

Aniya, dalawampong metro mula sa bus ay may nakita silang duguang uniporme ng Victory Liner Bus driver at nandoon pa ang kanyang name plate.

Hinalughog nila ang lugar pero hindi nila nakita ang tsuper.

Naging hamon sa kanilang pagrescue ang posisyon ng bus nang ito ay mahulog kaya mabuti na lamang at mayroon silang flashlight na malakas ang ilaw kaya napadali ang kanilang rescue operation.