
CAUAYAN CITY – Minaliit ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang ipinalabas na wage order ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay TUCP spokesperson Allan Tanjusay, sinabi niya na kung ang poverty threshold standard ang pagbabatayan ay kulang na kulang pa rin ang bagong umento sa sahod na inaprubahan ng RTWPB sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Aniya, batay sa pag-aaral ng Food Nutrition Research Institute ng DOST tinatayang P640 bawat araw ang kailangan ng isang pamilya upang makabili ng masustansya at sapat na makakain.
Iginiit ng TUCP na napakaliit at kakapiranggot ang ibinibigay na dagdag sahod ng Wage Board at ginawa pang hulugan ang pagpapatupad nito.
Dahil sa naturang sistema ay nababalewala lamang ito dahil sa tagal na hindi gumalaw ang sahod o minimum wage ng mga manggagawa na sinasabayan pa ng sunod-sunod na pagtaas ng mga pangunahing bilihin.
Sa ngayon ay mahihirapan sila na muling ilapit sa Poverty Threshold Standard ang minimum wage ng mga manggagawa dahil karamihan sa mga negosyo ay labis na naapektuhan ng pandemya habang ang ilan naman ay bumabangon pa lamang mula sa epekto ng pandemya.
Malabo na rin umanong tumugon si Pangulong Rodrigo Duterte dahil patapos na ang kanyang termino.
Dahil ipinagbabawal ng batas ang paghahain ng petisyon sa loob ng isang taon matapos mailabas ang Wage order ay sisikapin ng TUCP na makumbinsi si President Elect Bongbong Marcos na tugunan ang kasalukuyang kalagayan ng mga manggagawa.
Kabilang rin sa kanilang ila-lobby ang usapin ng Endo, Wage Rationalization act, kontra contractualization at 15-day quarantine leave.










