Dinakip ng kapulisan ang isang tulak ng iligal na droga sa ikinasang Anti-Illegal Drug Buy-Bust Operation ng PNP sa Brgy. Naggasican, Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Elmar Ventura, Deputy Chief of Police ng SCPO Station 4, sinabi niya na ang suspek ay isang lalaki na nasa wastong gulang, at residente ng Brgy. Mabini, Santiago City.
Sa isinagawang operasyon, nakumpiska sa pag-iingat ng suspek ang isang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 1.4 grams na tinatayang nagkakahalaga ng P9,250.00, buy-bust money, at cellphone.
Ayon kay PCpt. Ventura, mahigit isang buwan din nilang minanmanan ang operasyon ng suspek dahil dati na rin itong naaresto sa pagbebenta ng droga noong 2019 at bumalik muli sa iligal na gawain.
Kabilang naman ito sa street level individual list ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Matapos ang ikinasang operasyon, dinala ang mga nasamsam na ebidensya sa himpilan ng Santiago City Police Station 4 kasama ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.