
CAUAYAN CITY – Naumpisahan na ang pagtatayo ng BGD bridge na malaking tulong sa mamamayan lalo na kapag tag-ulan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Planning and Development Officer Oliver Francisco ng LGU Cauayan City, sinabi niya na nung nakaraang taon pa planong simulan ang pagpapatayo sa nasabing tulay pero dahil sa nararanasang pandemya ay na naantala.
Inumpisahan ngayong taon ang pagpapatayo sa BGD bridge na magdurugtong sa Barangay San Pablo at Barangay Sta. Luciana.
Sa ngayon aniya ay nagbubuhos na para sa mga unang poste nito at ito ay inaasahang matatapos hanggang tatlong taon.
Malaki aniyang tulong ito sa mga Cauayeño pag tag ulan lalo na sa mga nakatira sa kabilang ilog o ang mga taga Forest region at East Tabacal na dumadaan sa Alicaocao Bridge.
Pag nakakaranas ng malakas na mga pag ulan ay nababaha ang Alicaocao Bridge at dahil dito ay umiikot pa ang mga mamamayan sa bayan ng Naguilian.
Nasa tatlumpung minuto ang oras na gugugulin ng mga mamamayan para umikot sa karatig bayan upang makapagdala ng kanilang produkto sa poblacion kaya naman maliban sa abala ay bawas din ito sa kanilang kita.
Dagdag pa ni City Planning and Development Officer Francisco, sa pagkakaroon ng tulay ay natutuwa ang mga residente doon dahil bukod sa mas mapapadali ang transportasyon sa panahon ng tag ulan ay mas madedevelop nadin ang lugar dahil maaring sa hinaharap ay may mga susunod pang proyekto o mga pasilidad na ipapatayo doon.
Tiniyak naman niya na kahit matapos na ang BGD Bridge ay hindi umano babakbakin ang Alicaocao Bridge bagkus ay magpapatayo pa ng isang tulay sa kalapit nito.
May proposal na aniya ang punong Lungsod para sa pagpapatayo ng all weather bridge at sa katunayan ay tapos na ang survey sa naturang lugar.










