CAUAYAN CITY – Marami ang nagbigay ng tulong sa mga magsasaka na nawalan ng mga aning mais matapos na tangayin ng malakas na agos ng tubig noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Maring sa bayan ng Baggao, Cagayan.
Matatandaang mahigit 300 na sako ng mais na nakaimbak matapos ipatuyo ang tinangay ng malakas na agos ng tubig nang lumaki ang water level ng ilog at naabot nito ang lugar kung saan nagbibilad ng palay ang mga magsasaka.
Naging viral ang video ng pangyayaring ito na kuha ni Bobby Dumayag Jr at ini-upload sa social media.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mr Dumayag, sinabi niya na maraming nagpadala ng tulong sa pamamagitan ng ini-upload niyang GCash account.
Umabot na sa 59,000 ang natanggap nilang tulong dahil may isang nagpadala ng 35,500 na tulong na ayaw nang magpabanggit ng pangalan.
May mga OFWs din ang nagbigay ng tulong para sa mga magsasaka na nawalan ng mga aning mais.
Ipinadaan nila sa mga opisyal ng barangay Azinga-Via, sa bayan ng Baggao ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka.
Ang tinatanggap nilang padala sa GCASH ay kinukunan nila ng larawan para may patunay na natanggap nila ang tulong.