Ipinangako ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na tutulungan ang mga magsasaka upang direktang matanggap ang tulong mula sa pamahalaan.
Ito ay kaugnay ng mga kahilingang ipinarating ng mga magsasaka sa ginanap na Farmers’ Dialogue with House Speaker Dy, na dinaluhan ng mga magsasaka mula sa mga bayan ng Cabatuan, Alicia, Gamu, Naguillian, Luna, Cauayan City, at iba pa.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni House Speaker Dy na handa siyang tumulong upang makabawi ang mga magsasaka mula sa kanilang pagkalugi.
Nangako rin siya na ipararating niya sa Pangulo ang mga problema ng mga magsasaka, tulad ng mababang presyo ng palay, kakulangan sa mechanical dryer, panukalang pagkakaroon ng floor price para sa palay at mais, at iba pa.
Bilang agarang tulong, tiniyak niya na personal niyang ipaabot ang ayuda ng gobyerno. Kung kinakailangan, direktang pera na lamang ang ibibigay sa mga magsasaka upang sila na mismo ang makapili ng angkop na variety ng binhi at abono na kanilang gagamitin sa pagtatanim.
Samantala, nabigyan naman ng pag-asa ang mga magsasakang nakaranas ng pagkalugi sa nakaraang cropping season.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Benjamine Marquez, isang magsasaka mula sa Brgy. Faustino, Cauayan City, sinabi niya na naniniwala silang maisasakatuparan ang mga binitawang pangako ni Speaker Dy.
Aniya, dalawang beses na silang nalugi at nabili lamang ang kanilang ani sa murang halaga.
Dagdag pa niya, ramdam niya ang matinding pagkalugi lalo na’t mahigit anim na ektarya ng taniman ng palay ang kanyang sinasaka, at dalawang beses din siyang nalugi.
Ayon pa sa kanya, ilan sa kanyang mga kasamahan ay nagbabalak na lamang magtrabaho sa ibang larangan kaysa ipagpatuloy ang pagsasaka. Ngunit muling nabuhayan sila ng loob dahil sa mga pahayag ni Speaker Dy.
Sa ngayon, isa sa pinakamalaking kahilingan ng mga magsasaka ay ang pagtaas ng presyo ng palay upang makabawi sila mula sa pagkakautang.
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si Cauayan City Agriculturist Ricardo Alonzo kay Speaker Dy sa pakikinig sa mga hinaing ng mga magsasaka sa Isabela.
Aniya, isa sa mga mungkahing naiparating sa House Speaker ay ang panukalang imbes na binhi at abono ang direktang bilhin ng Department of Agriculture (DA), mas makabubuting direkta na lamang itong ipagkaloob sa mga magsasaka upang sila na mismo ang makapili ng kanilang itatanim.
Ayon kay Engr. Alonzo, sa halip na farm inputs, mas mainam na cash voucher na lamang ang ibigay sa mga magsasaka upang magamit nila ito sa pagbili ng binhi at iba pang pangangailangang pangsakahan ayon sa kanilang kagustuhan.
Nagagalak aniya siya dahil kahit wala pang malinaw na detalye kung magkano ang aaprubahang pondo para rito, sumang-ayon ang karamihan sa mga magsasaka sa Isabela sa naturang mungkahi.
Natalakay rin sa dayalogo ang iba’t ibang suliranin ng mga magsasaka, gaya ng mababang presyo ng palay at kakulangan sa mga pasilidad para sa post-harvest.
Bilang tugon, iminungkahi ni Speaker Dy ang pagtatayo ng grain drying complex sa bawat distrito upang makatulong sa pagproseso ng ani ng mga magsasaka.
Maliban dito, tinalakay rin ang posibilidad ng pagbibigay ng tulong pinansyal para sa mga small farmers, kabilang ang marginalized sector at mga magsasakang may sinasakang dalawang ektarya pababa, na handa namang tugunan ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Sa kabuuan, umabot sa 378 na magsasaka mula sa iba’t ibang bayan sa Isabela ang dumalo sa naturang dayalogo kasama si Speaker Bojie Dy, at nabigyan ng pagkakataong maiparating ang kanilang mga hinaing sa pamahalaan.











