CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tutulungan ang mga Overseas Filipino Workers (Ofw’s) sa Libya na nais nang umuwi sa bansa dahil sa kaguluhan sa Tripoli, Libya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Kalihim Silvestre Bello III ng DOLE na nananatili ang alert level 3 sa Libya na nangangahulugang patuloy ang total deployment ban.
Sa ngayon ay pinaghahandaan na nila ang pagtaas sa alert level 4 dahil magsasagawa na sila ng forced repatriation.
Ayon kay Atty. Bello, sa Lunes ay magpapadala siya ng augmentation team na kinabibilangan ng tatlong admistrative staff at tatlong welfare officer na maghahanda sakaling lumala ang kaguluhan sa Libya at itaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa alert level 4 na senyales na ipatutupad na ang forced repatriation.