CAUAYAN CITY- Tumaas ang kaso ng mga firecracker-related injury sa bansa ngayong taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, Public Health Services Cluster, DOH Undersecretary, sinabi niya na ngayong araw ay sumampa na sa 188 ang kabuuang bilang ng mga biktima ng paputok sa buong bansa.
Mas mataas ito kung ikukumpara sa 124 na datos noong 2023 sa kaparehong panahon.
Nangunguna sa talaan ang National Capital Region na mayroong 59 cases, sinundan ng Region 3 na may 23, Region 4 na nakapagtala ng 22 na kaso, 13 sa Region 7 at panglima ang Region 2 na mayroong 12 cases.
78 mula sa nabanggit na datos ang nagtamo ng injury sa mata, 6 ang naputulan ng daliri habang 12 naman ang kasalukuyang naka-admit sa pagamutan.
68% sa mga biktima ay nasa edad 5-14 at mayorya sa mga ito ay gumamit ng boga, 5 star, piccolo at kwitis.
Ayon kay USec. Baggao, ang pagtaas ng kaso ngayong taon ay mayroong kinalaman sa regulasyon ng pagbebenta at paggamit ng paputok dahil mayroon pa ring ilan na hindi sumusunod sa mga panuntunan.