Nagdulot ng matinding pagsikip ng daloy ng trapiko ang pagtaob ng isang trailer truck sa bahagi ng Balete–Hilltop, Diadi, Nueva Vizcaya kaninang madaling araw, na isa sa mga pangunahing daanan ng mga sasakyang bumibiyahe patungong Isabela at Cagayan Valley.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Darryl Marquez, Acting Chief of Police ng Diadi Police Station, sinabi niyang humambalang ang trailer truck sa pababang bahagi ng kalsada matapos itong tumaob sa kahabaan ng Barangay Balete, dahilan upang halos masakop nito ang malaking bahagi ng highway.
Ayon kay PCpt. Marquez, ang nasabing truck ay may kargang malaking solar transformer na patungo sana sa San Pablo, Isabela. Dahil sa insidente, natapon ang langis mula sa transformer, na agad kumalat sa sementadong kalsada at nagdulot ng matinding dulas, na posibleng maging sanhi ng karagdagang aksidente kung hindi agad naagapan.
Dahil dito, isang lane lamang ang naging passable sa lugar, dahilan ng mahaba at mabagal na usad ng trapiko lalo na sa mga sasakyang mabibigat at pampasahero.
Batay sa pahayag ng tsuper at pahinante ng truck, nawalan umano ng preno ang sasakyan habang pababa ng kalsada kaya’t napilitan silang isadsad ito sa shoulder lane upang maiwasan ang mas malalang aksidente. Gayunman, sa bigat ng kargamento, tuluyang tumaob ang trailer truck at nasakop ang halos dalawang lane ng highway.
Bagama’t may maliit na espasyong naiwan para sa mga dumaraang sasakyan, mabagal pa rin ang galaw ng trapiko mula sa magkabilang direksyon dahil one-lane passable lamang ang daan at kinakailangan ang maingat na pagmamaneho ng mga motorista.
Agad namang rumesponde ang mga personnel ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na bahagyang iniusog ang tumaob na truck upang mabuksan ang kalsada. Gayunpaman, ipinatupad ang stop-and-go traffic scheme dahil nananatiling madulas ang kalsada bunsod ng tumagas na langis.
Naging mahaba at maselang operasyon ang pagtanggal sa truck dahil sa bigat at sensitibong kargamento, kaya kinailangan ang espesyal na kagamitan at maingat na koordinasyon ng mga awtoridad upang maiwasan ang karagdagang pinsala at aksidente.
Batay sa salaysay ng ilang motorista, umabot ng dalawa hanggang tatlong oras ang kanilang paghihintay bago tuluyang makadaan sa lugar. Kinailangan munang magsagawa ng flushing ng tubig ang Bureau of Fire Protection (BFP) upang linisin ang kalsada at mabawasan ang panganib ng pagdulas ng mga sasakyan.
Bukod dito, naglagay ng sawdust o ipa sa kalsada ang mga responders upang sumipsip sa natirang langis at tuluyang mabawasan ang dulas ng sementadong daan.
Samantala, naging maagap at organisado ang pamamahala ng trapiko ng PNP, DPWH, at iba pang force multipliers, upang maiwasan ang counterflow, mapanatili ang kaayusan sa lansangan, at masigurong ligtas ang mga motorista.
Pinayuhan naman ni PCpt. Marquez ang mga motorista, lalo na ang mga nagmamaneho ng heavy vehicles, na regular na suriin ang kondisyon ng kanilang sasakyan bago bumiyahe, partikular ang brake system, at maging dobleng maingat sa pagmamaneho upang maiwasan ang kaparehong insidente.











