--Ads--

CAUAYAN CITY- Inirereklamo ng dalawang TUPAD beneficiary mula sa Barangay Linglingay Cauayan City ang kanilang Barangay Kapitan matapos umanong hindi ibigay kanilang ang ID na kailangan para makuha ang kanilang sahod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Armenio Ramil Jr., isa sa nagrereklamo, sinabi niya na tatlong beses siyang nagpabalik-balik sa bahay ni Barangay Kapitan Joel Visitacion upang alamin kung bakit siya lang ang walang natanggap na ID.

Sinabi lamang aniya ng punong barangay na hindi ibibigay ang ID dahil poll watcher siya ng katunggaling partido ng kasalukuyang administrasyon.

Aniya, kung sakali umanong hindi sila poll watcher ay maibibigay sa kanila ang kanilang ID at hindi sila mahihirapang kunin ang kanilang sahod na pinagpaguran nila ng 10-araw. Wala rin naman aniya silang alitan ng punong barangay na posibleng dahilan para i-hold ang kanilang ID.

--Ads--

Ayon pa kay Racquel Cristobal, tinanong niya sa kanilang group chat kung bakit siya lang ang walang ID subalit walang klarong eksplanasyon ang Kapitan sa kanya.

Isa rin aniya sa nakikita niyang posibleng dahilan kung bakit na hold ang kanyang ID ay dahil nag presinta siyang maging poll watcher at kasalukuyang coordinator ng kabilang partido.

Isa pa sa ikinasasama ng kanilang loob ay ang makita ang tatlong indibidwal na kukuha ng sahod o payout kahit hindi naman talaga nag trabaho aniya, kapamilya ng punong barangay ang tatlong benipisyaryo na tatanggap ng sahod ngayon na hindi naman nila nakita at nakasama sa 10-araw na paglilinis.

Samantala, sinikap din ng Bombo news team na makuha ang panig ng punong barangay upang makunan ng pahayag sa naturang mga alegasyon.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Joel Visitacion ng Barangay Linglingay Cauayan, pinabulaanan niya ang naturang paratang,

Aniya, wala aniyang katotohanan na hindi niya binigay ang mga ID at lalong lalo ng hindi niya ito hinold sa kadahilanang poll watcher sila ng kabilang partido.

Sa katunayan aniya ay 8 na TUPAD beneficiaries ng Barangay Linglingay ang hindi nabigyan ng ID dahil walang ibinigay sakanya ang PESO subalit ayon naman sa PESO, maaari pa ring makuha ang kanilang sahod bastang may ibang valid Id subalit prayoridad sa payout ang mga may kumpletong dokumento.

Pinabulaan pa ni Kap. Joel na may tatlong indibidwal ang tatanggap ng sahod kahit hindi nag linis. Aniya, 30 ang TUPAD beneficiaries at lahat sila ay nag trabaho.