Nagkaroon ng ugnayan ang Public Employment Service Office (PESO) at City Environment and Natural Resources Office (CENRO) kaugnay sa pagsasagawa ng paglilinis sa mga pampublikong lugar sa lungsod.
Nasa 45 TUPAD Beneficiaries ng DOLE ang ipinadala ng PESO sa CENRO upang makatulong sa paglilinis ng mga pampublikong lugar.
Ayon kay Engr. Alejo Lamsen, head ng CENRO Cauayan, inisyatiba ng PESO na mabigyan ng dagdag na katuwang ang kanilang opisina sa pagpapanatili ng kalinisan sa lungsod. Kaya naman minabuti nilang samantalahin ang pagkakataon upang may makatulong sa mga gawaing paglilinis.
Hinati ng CENRO ang mga maglilinis, kung saan mayroong naitalaga sa palengke, mga parke, at pampublikong sementeryo.
Giit ni Lamsen, malaking bagay ang tulong mula sa mga benepisyaryo ng TUPAD program dahil mas napapabilis ang paglilinis.
Samantala, ayon sa PESO, ang mga TUPAD Beneficiaries ay pawang mga biktima ng nakaraang Bagyong Tino sa lalawigan, kung saan nasa 250 benepisyaryo ang kabuuang bilang sa lungsod.











