Tiniyak ni Ferdinand Marcos Jr. na may sapat na langis ang Pilipinas na maaaring tumagal ng 50 hanggang 60 araw sa kabila ng tumitinding tensyon sa Middle East na inaasahang magtutulak sa pagtaas ng presyo ng langis sa buong mundo.
Ayon sa Pangulo, bagama’t posibleng tumaas ang presyo ng langis dahil sa geopolitical tensions, hindi agad nanganganib ang bansa sa kakulangan sa suplay dahil sa umiiral na stockpile ng gasolina, fuel oil, at kerosene.
Dagdag pa niya, ang mga supplier ng petroleum products ay may sariling imbentaryo na maaari pang ilabas, na nagbibigay ng karagdagang suplay para sa bansa.
Kinilala ni Marcos na ang sigalot sa Middle East ay maaaring magdulot ng malaking epekto sa pandaigdigang presyo ng langis, kaya’t pinag-aaralan ng pamahalaan ang mga contingency measures upang mapagaan ang epekto nito sa mga mamimili. Kasama rito ang mga hakbang para maibsan ang pasanin sa mga sambahayan at negosyo sakaling patuloy na tumaas ang presyo ng fuel.
Nagpahayag din ang Pangulo ng pag-asa na hindi magtatagal ang sigalot, batay sa pahayag ng Estados Unidos na maaaring umabot lamang ito ng apat hanggang limang linggo. Pinayuhan niya na ang mas matagal na labanan ay maaaring magpataas ng panganib sa kaligtasan ng sibilyan at lalong makakaapekto sa pandaigdigang ekonomiya.
Matatandaan na unan nang inihayag ni Pangulong Marcos ang kaniyang pagnanais na gamitin ang kaniyang “special powers” mula sa Kongreso upang pansamantalang ibaba ang excise tax sa produktong petrolyo.
Ang hakbang ay itinuturing na “emergency measure” at hindi magiging permanente.
Ang suspensyon sa excise tax ay isinasagawa lamang kapag nanaanatili sa $80–$90 kada bariles ang presyo ng Dubai crude sa loob ng dalawang buwan, ipatutupad ang targeted fuel subsidies para sa sektor ng transportasyon at agrikultura.
Ayon kay Finance Secretary Frederick Go, ang kapangyarihan ay ipagkakaloob lamang kung lalampas sa $80 kada bariles ang presyo sa itinakdang panahon.











