CAUAYAN CITY – Lalo pang bumagal ang Typhoon MarceĀ at halos hindi na ito gumagalaw sa kagaratan sa silangan ng Cagayan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa PAGASA, huling namataan ang mata ng bagyo sa layong 295 km silangan ng Aparri, Cagayan.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 150 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 185 km/h. Mabagal itong kumikilos pakanluran.
Nakataas na sa Tropical Cyclone Wind Signal 3 ang Sta Ana at Gonzaga sa Cagayan habang Signal Number 2 naman sa Batanes, nalalabing bahagi ng Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, ang northern portion ng Isabela kabilang ang bayan ng Maconacon, San Pablo, Santa Maria, at Divilacan, ang lalawigan ng Apayao, northern portion ng Kalinga partikular sa bayan ng Rizal, Pinukpuk, Balbalan, ang northern portion ng Abra partikular sa Langiden, Bangued, Danglas, Tayum, La Paz, Dolores, Lagayan, San Juan, Lagangilang, Tineg, Lacub, Licuan-Baay, at Malibcong, ang lalawigan ng Ilocos Norte, at ang northern portion ng Ilocos Sur partikular sa bayan ng Sinait, Cabugao, San Juan, Magsingal, Santo Domingo, Bantay, San Ildefonso, San Vicente, at bayan ng Santa Catalina.
Nakataas naman sa Signal Number 1 ang nalalabing bahagi ng Ilocos Sur, La Union, northwestern portion ng Pangasinan, nalalabing bahagi ng Abra, nalalabing bahagi ng Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, nalalabing bahagi ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, at ang northern portion ng Aurora partikular sa bayan ng Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao, Maria Aurora, at Baler.
Posible namang maglandfall o daraan ang bagyo sa Babuyan Islands o hilagang bahagi ng mainland Cagayan bukas ng gabi o Biyernes ng umaga.
Dahil sa nasa Typhoon Category ang bagyo kung kayat posibleng maibabala ang Signal Number 4 sa mga direktang tatamaan ng bagyo.