Naghahanda ang militar ng Estados Unidos para sa posibilidad ng matagalang operasyon laban sa Iran na maaaring tumagal ng ilang linggo, ayon sa dalawang opisyal na tumangging magpakilala dahil sa sensitibong usapin. Ang hakbang na ito ay nakikita bilang mas seryosong yugto ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Nakatakdang makipagpulong ang mga kinatawan ng U.S. at Iran sa Geneva, na may Oman bilang tagapamagitan. Ayon kay U.S. Secretary of State Marco Rubio, mahirap makamit ang kasunduan sa Tehran.
Nagpadala ang Pentagon ng karagdagang aircraft carrier, libo-libong tropa, fighter jets, at guided-missile destroyers sa Gitnang Silangan bilang paghahanda.
Binanggit ni Pangulong Donald Trump na maaaring pinakamainam na mangyari ang pagpapalit ng gobyerno sa Iran, bagama’t hindi niya tinukoy kung sino ang nais niyang mamuno.
Paulit-ulit na sinabi ni Trump na ayaw niyang magpadala ng ground forces, kaya’t nakatuon ang plano sa air at naval strikes.
Kung magiging sustained campaign, maaaring targetin ng U.S. hindi lang ang nuclear sites kundi pati ang mga pasilidad ng estado at seguridad ng Iran. Mas mataas ang panganib dahil sa arsenal ng missiles ng Iran at inaasahang gaganti ito, na maaaring magdulot ng mas malawak na regional conflict.
Nagbabala ang Revolutionary Guard ng Iran na gaganti sila sa anumang U.S. base kung sakaling atakihin ang kanilang teritoryo. Samantala, sinabi ng Iranian opposition figure na si Reza Pahlavi na ang interbensyon ng U.S. ay maaaring magpabilis sa pagbagsak ng kasalukuyang rehimen.






