CAUAYAN CITY – Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng pamunuan ng Cauayan City National High School (CCNHS) para malaman ang ugat ng nangyaring pananakit sa isang mag-aaral na humantong sa kanyang pananaksak sa mga sumuntok sa kanya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Schools Division Superintendent Alfredo Gumaru Jr. ng DepEd Cauayan City na inatasan niya ang Prefect of Discipline ng paaralan na alamin kung ano ang tunay na ugat ng nangyaring pananaksak dahil sinabi ng suspek na matagal na ang pambubully sa kanya kaya nagdadala ng patalim bilang protection sa sarili.
Ayon kay Dr. Gumaru, dapat ay ipinabatid sa class adviser ang pambubully sa estudiyante para naagapan.
Hindi aniya malalaman ng pamunuan ng paaralan kung hindi nagsusumbong sa mga school officials ang mga biktima ng bullying.
Kung malalaman ay may gagawing intervention at mayroon ding child protection policy coordinator para magmanman sa sitwasyon sa mga paaralan.
May mga programa na ginagawa ang mga guidance counselor ngunit limitado ang kanilang bilang kaya nagagamit ang coordinator sa child protection policy na magsasagawa ng aktibidad tulad ng forum.
Nilinaw din ni Dr. Gumaru na may first aid na ginawa sa mga nasugatang estudiyante dahil may mga nurse sa mga school clinic.
Ang suspek ay dinala sa senior high school clinic batay sa report ng school principal at prefect of discipline habang ang dalawang nasugatan ay sa junior high school clinic
Ipinaliwanag din ni Dr.Gumaru na may restrictions ang Department of Education (DepEd) sa pagkapkap sa mga mag-aaral maging ang pag-inspect sa kanilang mga personal na gamit.
Kailangan munang ipabatid sa kanilang mga magulang o guardian kung may kaduda-duda at kailangan na isagawa ang inspection. Kumukuha ng stick ang isang guro para hindi mahawakan ang personal na gamit ng mag-aaral.
Ang may karapatan aniya ay ang mga magulang na dapat tingnan ang mga gamit ng kanilang anak bago pumasok sa paaralan para hindi sila magdala ng nakamamatay na sandata tulad ng patalim.
Posible namang gumamit ng detector ang mga security guard ng paaralan ngunit kailangan munang ikunsulta sa mga magulang, otoridad at peace and order officials tulad ng mga barangay opisyal at tanod para mabigyan sila ng gabay.
Sinabi pa ni Dr. Gumaru na batay sa kanyang monitoring, sinabi ng punong guro at prefect of discipline ng CCNHS ay wala pang pag-uusap ang pamilya ng mga sangkot na mag-aaral.
Inoobserbahan pa sa ospital ang isa sa mga nasugatan na naka-oxygen at sinalinan ng dugo.
Ayon kay Dr. Gumaru, inatasan niya ang school principal na huwag munang papasukin ang suspek at isailalim sa modular learning hanggang magkaroon ng pag-uusap at compromise tungkol sa naganap na pananaksak.
Kailangan aniya ng measures o pagpapatupad ng hakbang para hindi muna magkikita ang mga sangkot sa kaguluhan upang maiwasan ang anumang insidente sa mga susunod na araw.
Inirekomenda rin ng Dr. Gumaru na dagdagan ang mga watchmen sa mga perimeter ng mga school building sa panahon ng breaktime at uwian ng mga estudiyante para mabantayan ang kanilang kaligtasan.
Hiniling ni Dr. Gumaru sa mga magulang na bantayan at gabayan ang kanilang mga anak para maiwasang masangkot sa anumang kaguluhan.
Ganito ang bahagi ng pahayag ni Dr. Alfredo Gumaru Jr.