--Ads--

CAUAYAN CITY – Umakyat na sa 410 ang mga lumikas na residente sa 2 barangay sa Maddela, Quirino dahil sa presensiya ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa kanilang lugar.

Nagpatindi sa takot ng mga residente ang nangyaring sagupaan ng mga sundalo at rebelde kaninang umaga sa Purok 5,  Cabua-an, Maddela, Quirino.

Kabilang sa mga residente na nag-evacuate sa mga barangay ng Cabua-an, Ysmael at nasa municipal gymnasium ay 187 na adults, 182 na bata, 37 senior citizens, 8 na breastfeeding mothers at 8 na sanggol.

Inihayag ni Barangay Kapitan Gilbert Buyucan ng Cabua-an, Maddela na sinuspindi muna ang klase ng mga mag-aaral sa kanilang barangay dahil nasa evacuation center ang mga bata.

--Ads--

Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mayor Renato Ylanan ng Maddela, Quirino na bukod sa mga mamamayan sa barangay Cabua-an ay ilang mamamayan na rin sa purok 7, Ysmael, Maddela ang kanilang pinalikas sa kanilang barangay hall para sa kanilang kaligtasan.

Nanawagan pa si Mayor Ylanan sa kanyang mga kababayan na huwag munang bumalik sa kanilang mga barangay hanggang matiyak na ligtas sa panganib ang kanilang lugar.

Ayon pa kay Mayor Ylanan, patuloy ang pagtugis ng mga sundalo ng 86th Infantry Batallion Philippine Army sa mga rebeldeng grupo na kanilang nakasagupa.