CAUAYAN CITY– Umabot na sa 18 Overseas Filipino Workers ang nagpalista sa Embahada ng Pilipinas sa Tripoli, Libya para sumailalim sa repatriation dahil sa nagaganap na civil war sa nasabing bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mr. Luisito Jaramillo, manggagawa sa isang oil company sa Tripoli at Chairman ng OFW Community Organization sa Libya at tubong Ilocos Sur na batay sa naipabatid sa kanya sa kanilang meeting ay patuloy ang paglilista sa mga Ofw’s sa Libya na nais nang umuwi sa Pilipinas.
Sinabi pa ni Mr. Jaramillo na sa kanilang pakikipagpulong kay Philippine Ambassador to Libya Elmer Cato, kapag lumala ang kaguluhan sa Tripoli ay napagkasunduan nila na ang Saint Francis Catholic Church sa Tripoli ang gagawin muna nilang evacuation area.
Nilinaw ni Mr. Jaramillo na pasulput-sulpot lamang ang kaguluhan si Tripoli dahil kung minsan ay tahimik ngunit bigla na lamang sisiklab ang labanan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ang mga mamamayang nag-aaklas.