--Ads--

CAUAYAN CITY – Umakyat na sa 8 ang nasawi, 60 ang nasugatan sa naganap na 5.4 na lindol kaninang 4:16 ng madaling araw sa Itbayat, Batanes.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kinilala ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Roldan Esdicul ng Batanes ang mga nasawi sa lindol na sina Eva Valiente, grade 12 student, 19 anyos; Mary Rose Valiente, 13 anyos; Filna Valiente; 10 na buwan, Jenward Mina, 31 anyos; Cristeta Gulaga; 76 anyos; Fausta Caan, 70 anyos, , Hayslie Shef Nakita, 5 na araw pa lamang, Tito Asa, 89 anyos.

Sinabi ni Ginoong Esdicul na mga lumang bahay ang karamihan sa mga gumuho at napinsala dahil walang bakal ang mga ito.

Nagtamo rin ng pinsala ang lumang simbahan sa nasabing isla.

--Ads--

Nasa open field ngayon ang maraming mamamayan sa Itbayat, Batanes dahil sa malalakas na aftershocks.

Kaninang 7:38 ng umaga ay naramdaman ang 6.4 na aftershock, mas malakas kaysa sa naunang pagyanig.

Ang tinig ni PDRRMO Roldan Esdicul

Sinabi naman ni Ginoong John Paul Apostol ng Itbayat Agricultural High School na nagtamo rin ng pinsala ang kanilang paaralan.

Inilarawan niya ang namatay na estudiyante na si Eva Valiente na masayahin, masipag at magaling sa kanilang klase.

Aniya, masaya silang nag-usap kahapon ni Eva na kukuha sila ng mga suso sa Linggo para lulutuin nila para sa kanilang Nutrition Month Celebration.

Ayon kay Ginoong Apostol, ang mga nasugatan ay dinala sa Itbayat General Hospital.

Isinasagawa ang panggagamot sa mga biktima sa labas ng ospital para matiyak na ligtas sila dahil sa malalakas na afterschock.

Ang tinig ni Ginoong John Paul Apostol