CAUAYAN CITY – Umabot na sa walong individual ang naitala ng Police Regional Office 2 na lumabag sa election gun ban.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Sharon Mallillin, Information Officer ng Police Regional Office 2 (PRO2) sinabi niya na mula noong August 28, 2023 ay nakapagtala na sila ng walong paglabag sa election gun ban.
Pinakahuli ay naitala kagabi sa kasagsagan ng drug buy bust operation sa Lunsod ng Tuguegarao nang makipagpalitan ng putok sa mga operatiba ang apat na suspek.
Ang isa ay dinala sa ospital habang ang isa ay nasa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang dalawa ay sinampahan na ng kaso.
Patuloy ang mahigpit na pagmamando sa mga inilatag na COMELEC checkpoint at tinitiyak ng bawat himpilan ng pulisya na maayos na nasusunod ang kanilang protocol.
Samantala, nakatakda silang magkaroon ng peace covenant signing kasabay ng peace rally at makakatuwang nila ang mga kandidato sa Barangay at 2023 Sanguninang Kabataan Elections (BSKE).
Sa kasalukuyan ay wala pa rin silang naitatalang election hotspot sa Lambak ng Cagayan dahil hindi pa nagsisimula ang campaign period.
Pinaigting ng PRO 2 ang pagsasagawa ng pagpupulong para sa monitoring sa ipinapatupad na gun ban at iba pang operasyon ng pulisya.