CAUAYAN CITY – Isinagawa ngayong araw ng Social Security System (SSS) sa Cauayan City ang Run After Contribution Evaders (RACE) sa mga employer na delinquent sa pagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga manggagawa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Porfirio Balatico, Vice President ng SSS North Luzon 2 Division na sa ilalim ng nasabing programa ay pinupuntahan nila ang mga employer na may obligasyon sa ahensiya para ipaalala na bayaran nila upang makakuha ng benepisyo ang kanilang mga kawani.
Ang kanilang aktibidad ngayon ay hindi lamang bisitahin ang mga employer na may obligasyon kundi ang iba pa na napaalalahanan at binigyan ng pabatid na may programa ngayon ang SSS na contribution at loan penalty condonation at isinaayos na ang kanilang obligasyon
Binisita nila ang anim na deliquent employer na may 67 na kawani maging ang mga nagbayad na ng kanilang obligasyon para bigyan sila ng pagkilala sa pakikiisa nila sa mga programa ng SSS.
Simultaneous o sabay-sabay ang pagsasagawa sa buong bansa ng RACE ngunit bukas ay isasagawa rin nila sa Santiago City na susundan sa Cabagan, Isabela. Tuguegarao City at Solano, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Ginoong Balatico, sa anim na employer na may 67 na kawani ay may obligasyon na 1.2 million pesos at may nakolekta na sa kanila na 601,000 pesos.
Sa buong North Luzon 2 ang sinisingil nilang principal ay 10.87 million pesos at ang penalty ay 4.9 million pesos.
Ang nakolekta nila sa principal ay 4.053 million pesos at sa penalty ay 476,863 pesos.
Karamihan sa mga delinquent employer ay mula sa small medium scale industries,mayroon din sa hanay ng transportasyon, groserya at supermarket.
Ayon pa kay Ginoong Balatico, mayroon nang 48 na employer ang sinampahan ng kaso sa piskalya habang 40 na ang kinasuhan sa korte habang isang employer ang may kaso sa Social Security Commission.
Sa kabuuan ay 89 na employer na ang sinampahan ng kaso dahil sa hindi pagbabayad ng kanilang obligasyon.