Inirereklamo ng isang residente ang umano’y hindi patas na pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta ng Bagyong Uwan sa Dinapigue, Isabela.
Ayon kay Ginoong Ricardo Addo Cortez Paguirigan, isa sa mga nasalanta ng bagyo, sinabi niya na nasira ang kanilang bahay sa tabing-dagat nang manalasa ang Bagyong Uwan at natabunan ito ng buhangin.
Aniya, dumulog sila sa Bombo Radyo Cauayan upang malaman kung ano ba talaga ang proseso ng ginagawang validation ng MSWD para sa mga nasiraan ng bahay.
Dagdag pa niya, isa lamang siya sa iilan pang nagrereklamo dahil umano sa hindi patas na validation at dahil hindi sila nabigyan ng ayuda.
Hinaing niya sa DSWD Region 2 na sana ay imbestigahan ang proseso dahil para sa kaniya ay hindi nasunod ang tamang proseso ng validation, lalo’t mayroon sila umanong video footage kung saan makikitang nilamon ng dagat ang kanilang mga bahay.
Batay sa MSWD Dinapigue, sila ang naglista at nag-validate sa mga bahay na napinsala na partially at totally damaged.
Inihayag din aniya ng mismong barangay na naipasa nila ang listahan ng mga pangalan sa MSWD, subalit ipinagtaka nila kung bakit ang mga pangalang kanilang na-census ay hindi napabilang sa mga nakatanggap ng ayuda at natanggal pa sa listahan.
Ngayon ay nais nilang ipaliwanag ng DSWD kung bakit hindi sila napabilang at kung bakit hindi sila nakapasok sa sinasabing criteria, gayong ang barangay mismo ang nagsumite ng listahan sa MSWD.
Kwento ni Ginoong Paguirigan, ito ang unang beses na nakaranas sila ng mataas na daluyong na lumampas pa sa seawall at humampas sa mga kabahayan, kaya wala silang naisalbang gamit.
Nagpaliwanag naman ang Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 2 kaugnay sa umano’y hindi natanggap na ayuda ng ilang nasiraan ng bahay dahil sa pananalasa ng Bagyong Uwan.
Ayon kay Regional Director Lucia Alan, ang tinutukoy na ayuda ay ang Emergency Cash Transfer (ECT) kung saan iilang probinsiya at munisipyo lamang ang nakatatanggap, at tanging mga “most devastated” o pinakaapektadong lugar lamang ang kasali.
Batay sa datos, ang MSWD, katuwang ang LGU, ang siyang nagsasagawa ng validation sa barangay level, at ang ulat na kanilang isusumite ay ipinapasa sa main office bago ilabas ang kaukulang pondo.
Pinapayuhan naman ang mga nagrereklamo na isumite na lamang ang kanilang pangalan upang muling ma-validate ng LGU.











