Dumadaing ang mga residente ng Barangay Palattao, Naguillan, Isabela dahil sa umano’y marumi at mabahong tubig na lumalabas sa kanilang gripo na matagal na umanong pasakit sa mga service consumer.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kay Maria, hindi niya tunay na pangalan, sinabi niya na opisyal na naireport ang problema nitong Huwebes sa tanggapan ng Naguilian Water District matapos mapansin ng mga residente ang kakaibang kulay at amoy ng tubig na kanilang isinusuplay.
Ayon kay Maria, ang tubig na dati’y malinaw at ligtas gamitin, ngayon ay mapusyaw o madilaw, may matapang na amoy, at hindi na kaaya-ayang gamitin kahit sa pangkaraniwang gawain sa bahay.
Sa kabila ng pagdulog ng kanilang hinaing, wala umanong isinagawang agarang inspeksyon o water testing, bagay na ikinadismaya ng mga residente na patuloy pa ring nagbabayad ng kanilang buwanang singil sa tubig.
Ayon naman kay Len, hindi rin tunay na pangalan, labis na ang perwisyong dulot ng problema sa kanilang pamilya. Maging sa paghuhugas ng pinggan at pagligo, nagdadalawang-isip na sila dahil umano sa sobrang dumi ng tubig.
Dahil sa kondisyon ng suplay ng tubig, napipilitan ang ilang residente na bumili ng inuming tubig at gumastos pa para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan na siyang dagdag-pasanin lalo na sa mga pamilyang kapos sa kita.
Mas lumala pa umano ang sitwasyon matapos iulat na nagkakasakit na ang ilan sa mga residente, partikular ang mga bata at matatanda. Ayon kay Lita, hindi tunay na pangalan, may mga nakaranas umano ng pananakit ng tiyan, pangangati ng balat, at iba pang sintomas na pinaniniwalaang may kaugnayan sa paggamit ng maruming tubig.
Bukod sa banta sa kalusugan, isa pang malinaw na ebidensya ng problema, ayon sa mga residente, ay ang paninilaw ng mga puting damit tuwing naglalaba, patunay umano ng maruming tubig na kanilang ginagamit araw-araw.
Dahil dito, nananawagan ang mga taga-Barangay Palattao sa lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya na magsagawa ng agarang imbestigasyon, komprehensibong water testing, at agarang pagkilos upang matukoy ang pinagmumulan ng problema at masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Giit ng mga residente, ang malinis at ligtas na tubig ay hindi pribilehiyo kundi karapatan ng bawat mamamayan, lalo na’t patuloy silang nagbabayad para sa serbisyong hindi nila lubos na napakikinabangan.
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang pagbabantay at paghihintay ng mga residente sa konkretong aksyon mula sa mga awtoridad.
Bukas naman ang himpilan ng Bombo Radyo Cauayan para sa panig ng naturang water district.





