Iniimbestigahan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang ulat na posibleng ginamit ang ilang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) bilang umano’y insentibo sa proseso ng kumpirmasyon kay dating kalihim Manuel Bonoan sa Commission on Appointments noong 2022.
Ayon kay Lacson, lumitaw sa kanilang pagbusisi sa mga flood control projects ang impormasyon na may pangakong humigit-kumulang P500 milyong halaga ng mga proyekto ng DPWH sa isang miyembro ng CA mula sa Kamara kapalit ng suporta sa kumpirmasyon ni Bonoan.
Sinabi ng senador na nagmula ang naturang impormasyon kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, na nagbigay umano ng mga rekord na ngayon ay sinusuri upang matukoy kung may katotohanan ang alegasyon.
Batay sa pahayag ni Lacson, sinabi umano ng naturang miyembro ng CA na ipamamahagi niya ang mga proyekto sa kanyang mga kasamahan sa Kamara. Gayunman, lumitaw umano na may ilang mambabatas ang nagreklamo dahil wala silang natanggap na bahagi sa mga proyektong ipinangako.
Dagdag pa ng senador, bagama’t malapit nang matapos ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y katiwalian sa flood control projects, nagpapatuloy pa rin ang kanyang sariling pagsusuri sa mga pinaghihinalaang ghost o substandard na proyekto.
Lumabas din sa imbestigasyon na sa panahong iyon ay pinamumunuan ng noo’y kinatawan ng SAGIP Party-list at ngayo’y senador na si Sen. Rodante Marcoleta ang CA committee on public works and highways na nagkumpirma sa ad interim appointment ni Bonoan.
Si Marcoleta ay kilala ring kritiko ni Lacson sa paraan ng paghawak ng Blue Ribbon Committee sa imbestigasyon sa umano’y mga anomalya sa flood control projects.
Sa ngayon, sinabi ni Lacson na patuloy pa ang beripikasyon sa mga dokumentong ibinigay ni Bernardo upang matukoy kung may batayan ang listahan ng mga proyektong sinasabing ginamit bilang kapalit ng kumpirmasyon kay Bonoan.











