--Ads--

Nagbabala si UN Secretary-General Antonio Guterres na nanganganib ang organisasyon sa isang financial collapse dahil sa hindi nababayarang kontribusyon ng ilang miyembrong bansa at sa umiiral na patakaran sa budget na nag-uutos na ibalik ang mga hindi nagagamit na pondo.

Sinabi ni Guterres na lalo pang lumalala ang krisis sa pondo, na nagbabanta sa pagpapatupad ng mga programa at sa mismong operasyon ng UN. Aniya, inaasahang hihigit pa ang pinsala sa mga susunod na buwan.

Bagama’t hindi pinangalanan ang mga bansang sangkot, binanggit sa ulat na malaki ang nabawas sa boluntaryong pondo ng Estados Unidos para sa mga ahensya ng UN, at tumanggi rin itong magbayad ng ilang obligadong kontribusyon sa regular at peacekeeping budgets ng organisasyon.

Matagal nang tinutukoy ni Guterres ang lumalalang liquidity crisis ng UN, ngunit ito na ang kanyang pinakamalinaw at pinakamabigat na babala sa ngayon, kasabay ng pag-atras ng U.S. sa ilang multilateral na kasunduan.

--Ads--

Itinatag noong 1945, ang United Nations ay may 193 miyembrong bansa at may mandatong panatilihin ang pandaigdigang kapayapaan at seguridad, itaguyod ang karapatang pantao, at magbigay ng humanitarian assistance sa buong mundo.