CAUAYAN CITY- Nakapagtala ang lalawigan ng Isabela ng kauna-unahang kaso ng African Swine Fever (ASF) ngayong 2025.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Helen Sevilla, Provincial Veterinary Officer ng Isabela, sinabi niya na Marso 4 noong unang naitala ang kaso ng ASF sa barangay Arellano, Quezon, Isabela na sinundan noong Marso 12 sa barangay Abut, Quezon.
Bagama’t dalawang barangay sa bayan ng Quezon ang nakapagtala ng positibong kaso ay iisa lamang ang may-ari sa mga baboy na tinamaan ng sakit.
Umabot aniya sa 38 heads ang namatay na baboy kabilang na rito ang mga na-cull.
Napag-alaman na ang mga baboy na tinamaan ng ASF ay nagmula sa Gonzaga, Cagayan at nabili ang mga ito ng may-ari online.
Nito lamang Enero 13, 2025 ay naideklara nang ASF Free ang bayan ng Quezon ngunit nito lamang Pebrero 21, 2025 ay na-ideliver sa Barangay Abut at Arellano ang mga baboy na inorder online ng isang hog raiser.
Makalipas ang isang linggo ay nagkasakit ang mga nabiling baboy kaya iniulat ito ng may-ari sa Municipal Agriculture Office.
Nagsagawa naman ang mga ito ng sample collection na dinala sa Provincial Veterenary Office para suriin at dito na natukoy na ang mga ito ay positibo sa ASF.
Aniya, private car umano ang ginamit ng mga nagdeliver ng baboy sa bayan ng Quezon at hindi umano ito dumaan sa mga nakalatag na checkpoint kaya nakapasok ito sa lalawigan.
Nilinaw naman ni Dr. Sevilla na ang mga baboy na ibinebenta online ay hindi umano sumasailalim sa tamang inspeksyon kaya hindi matiyak kung ligtas ba ang mga ito sa sakit kaya huwag aniya itong tangkilikin.
Mas mainam aniya kung bumili na lang sa mga local farms accreditedng Department of Agriculture at regular na namomonitor ng mga livestock inspectors.