--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy na nakaisolate ang kauna-unahang kaso ng Monkey Pox o Mpox sa Region 2 dahil siya ay mayroong comorbidities.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Mar Wyn Bello, Assistant Regional Director ng DOH Region 2, sinabi niya na lima ang naging suspected case ngunit ang tatlo ay negatibo na ang resulta ng test habang ang isa ay hinihintay pa ang resulta.

Kailangan aniyang I-isolate ang pasyenteng nagpositibo sa MPox dahil mayroon itong comorbidities bagamat stable naman ang kanyang kalagayan.

Magkakalayo naman ang lugar ng mga suspected cases ngunit dahil sa maraming sakit ang kamukha ng MPox tulad ng tuko o chicken pox at hand foot and mouth disease ay kanilang itinala bilang suspected MPox cases ang mga ito.

--Ads--

Nagpapatuloy din ang contact tracing ng kagawaran para sa mga posibleng nakasalamuha ng nasabing pasiyente.

Lahat aniya ng mga close contact ng pasyente ay isasailalim sa monitoring upang malaman kung magpapakita rin sila ng sintomas ng sakit.

May ugnayan na rin ang DOH Region 2 sa lokal na pamahalaan kung saan naitala ang nasabing kaso para sa pagpapatupad ng health protocols.

Tiniyak naman ni Dr. Bello na clade II variant ang kaso ng sakit sa bansa at isang mild variant lamang ito at nakukuha sa pamamagitan ng close o intimate skin-to-skin contact.

Mahalaga ang hygienic practice upang maiwasan ang sakit at kapag nasa mataong lugar ay magsuot ng damit na mahaba ang manggas at laging maghugas ng kamay gamit ang sabon o sanitizer upang mapatay ang virus.