Itinuturing ng Commission on Elections o Comelec na mapayapa ang unang linggo ng campaign period sa Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng Comelec Region 2, sinabi niya na agad silang nagsagawa ng Oplan Baklas upang tanggalin ang mga campaign materials na hindi nakalagay sa itinalagang common poster areas.
Aniya umabot sa 3,985 na illegal campaign paraphernalia mula sa Cagayan Isabela Nueva Vizcaya at Quirino ang kanilang natanggal o nabaklas.
Isa naman sa problema nila ngayon ang mga posters na nakalagay sa mga pribadong lugar dahil hindi nila ito pwedeng tanggalin.
Aniya sinasamantala ng mga kandidato ang paglalagay ng mga napakalaking campaign materials sa mga pribadong lugar.
Samantala muling iginiit ng Comelec na ang mga isinasagawang raffle ng mga nangangampanyang kandidato ay mahigpit na ipinagbabawal at ito ay isang uri ng indirect vote buying.
Ayon kay Atty. Cortez, kahit candy lamang ay hindi pwedeng mamigay ang mga tumatakbong kandidato.
Maging ang pangangako ng mga kandidato ng mga bagay tulad ng lupa, bahay, sasakyan at iba pa sa isang botante kapag sila ay nanalo sa halalan ay isa na itong uri ng vote buying.
Aniya kapag nakuhahan ng video ang ganitong uri ng vote buying ay pwedeng makasuhan ang kandidatong sangkot.
Iginiit niya na lahat ng mga botante ay may pakialam sa nangyayari sa halalan at kailangan na maging mulat sa mga nangyayari.
Huwag aniyang matakot na ireklamo ang ganitong kalakaran ng mga kandidato tuwing halalan.
Hindi kakayanin ng Comelec na mapanagot ang mga kandidatong nagsasagawa ng vote buying kung walang pormal na reklamo ang mga botante.
Ayon pa kay Atty. Cortez, kahit pa napakaraming batas na ginawa para sa halalan ay walang mangyayari kung walang ilalabas na reklamo ang mga botante.