Pinasinayaan kahapon ang kauna-unahang Water District Drive-Thru Payment Center sa Region 2 na matatagpuan sa Bala Street, Barangay San Fermin, Cauayan City.
Dumalo at inimbitahan sa aktibidad ang mga Water District Engineers mula sa iba’t ibang munisipalidad sa lalawigan ng Isabela upang makita kung paano makatutulong ang bagong pumping station at drive-thru center sa mga konsesyuners.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Manolito Supnet, Department Manager ng Cauayan City Water District (CCWD), sinabi niya na ang bagong pumping station ay ika-19 na operational pumping station sa Cauayan City. Gayunman, ang itinayong drive-thru payment center ang kauna-unahang maitatayo sa buong Rehiyon 2.
Ayon kay Engr. Supnet, mas mapapadali ang pagbabayad ng mga residente dahil hindi na kailangang bumaba pa ng sasakyan. Sa loob lamang ng isa hanggang tatlong minuto ay maaari nang matapos ang transaksyon.
Dagdag pa niya, bukas ang drive-thru payment center sa lahat ng residente ng Cauayan City at hindi lamang eksklusibo para sa mga taga-San Fermin.
Bukod sa drive-thru, matatagpuan din sa lugar ang bagong pumping station na magsusuplay ng tubig sa buong Barangay San Fermin.
Ito rin ang magsisilbing remote control center ng lahat ng pumping stations sa lungsod. Sa tulong ng makabagong teknolohiya, mas madali nang matutukoy ng pamunuan kung may problema sa alinmang pumping station, tulad ng kakulangan sa suplay ng tubig o pagkasira ng mga linya, upang agad na maresolba ang anumang aberya.











