Nanawagan ang National Public Transport Coalition (NPTC) sa pamahalaan na bigyan ng probational authority para muling makapamasada ang mga unconsolidated public utility vehicle drivers sa halip na bigyan sila ng limang taong prangkisa.
Ito ang inihayag ni NPTC Convenor Ariel Lim sa panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Cauayan matapos kalampagin ng ilang grupo ng transportasyon ang Department of Transportation (DOTr) dahil sa hindi maisakatuparan na pangako ng ahensya na pagbibigay pahintulot sa mga unconsolidated PUVs na makapag-renew ng prangkisa at rehistro.
Nilinaw niya na siya ay pabor sa pagrenew ng prangkisa ng mga ito upang tuloy pa rin sila sa pamamasada ngunit hindi ito dapat magtagal ng limang taon dahil maaaring mabulilyaso ang pagpapatupad ng PUV Program.
Aniya, maaaring bigyan lamang sila ng anim hanggang isang taon na prangkisa depende sa ginagawang pag-aaral ng DOTr para agad na maimplementa ang PUV modernization program.
Nanawagan naman siya sa mga nasa hanay ng transportasyon lalo na sa mga mayroong prangkisa na tiyakin ang road worthiness ng kanilang mga unit bago bumiyahe upang maiwasan ang aksidente sa daan.











