
CAUAYAN CITY – Bumaba na ang unemployment rate sa Rehiyon kung ikukumpara noong nakaraang taon ayon sa DOLE Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Chester Trinidad ng DOLE Region 2 sinabi niya na ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statics Authority o PSA, ang unemployment rate ay nasa 8.7% na lamang na mas mababa kumpara sa naitalang 15.6% unemployment rate noong nakaraang taon.
Malaki naman ang itinaas ng employment rate sa rehiyon na mula sa 84.3% noong nakaraang taon ay nasa 91.2% na ngayong 2021.
Aniya malaki ang naitulong ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga ibinibigay na ayuda at benepisyo sa mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya maging ang pagluluwag ng mga restriksyon.
Dahil dito ay nakakabalik sa trabaho ang ilan habang ang iba naman ay nakapaghanap na ng bagong trabaho habang ang iba ay nagnegosyo na lamang.
Nasa 6,804 workers ang apektado ng Alternative working schemes o ang mga nabawasan ng araw at oras ng trabaho.
10,665 naman ang bilang ng mga manggagawang naapektuhan ng temporary closure ng kanilang pinagtatrabahuan.
Nasa 440 namang manggagawa ang retrenched o natanggal sa trabaho dahil sa permanent closure ng kanilang pinagtatrabahuan.
Ayon kay Information Officer Trinidad kung susumahin nasa mahigit anim na raang manggagawa na ang nakabalik sa trabaho o nakahanap na ng bagong trabaho.
Ayon kay Trinidad patuloy naman ang DOLE Region 2 sa pagbibigay ng serbisyo tulad ng emergency employment para sa mga naapektuhan ng temporary closure ng kanilang pinagtatrabahuan, alternative working schemes at flexible working arrangement.
Nagpapatuloy ang TUPAD Program ng DOLE Region 2 maging ang CAMP para sa mga formal sector workers at ang kasalukuyang binigyan ngayon ng ayuda ay ang tourism sector workers.










